Wednesday, 18 October 2017

Kim Chiu does not want to claim the title ‘new horror queen’



By Archie Liao


Successful ang mga nagawang horror movies ni Kim Chiu. Katunayan, pumatok ang mga ito sa takilya. Ngayong hindi na aktibo si Kris Aquino sa sirkulasyon, siya na ang sinasabing bagong queen of horror movies. 
 
“Wala pong ganoon. Hindi puwede. Ate Kris is Ate Kris. Nag-iisa lang iyon. Hindi puwedeng pantayan. Hindi puwedeng sapawan. Siya po talaga ay nag-iisang Kris Aquino at marami na siyang napatunayan,” paliwanag ni Kim. 

Ngayong meron siyang “Ghost Bride” na idinirek ng master director na si Chito Rono na siya ring nagbigay ng mga blockbuster movies na “Feng Shui” at “Fengshui 2”, hindi maiiwasan na magkaroon sila ng comparison. 

“Nagkataon lang po siguro iyon. Wala pa naman po akong napatunayan sa box office, kaya hindi ko matatawag ang sarili ko nang ganyan,” aniya. “Sa kanya lang iyon talaga. Hindi puwede. Hindi puwede. Gagawa na lang tayo ng iba,” pahabol niya. 

Happy si Kim na nabigyan siya ng pelikulang siya ang title roler. “Sobrang saya ko nga po nang makita ko ang sarili ko sa poster. Actually, doble-dobleng pressure ang nararamdaman ko. Hindi ko na alam kung sinu-sinong mga santo ang tatawagin ko,” hirit niya. 

Kuwento pa niya, mula raw nang magkasama sila sa “Etiquette for Mistresses” ni Kris na si Direk Chito Rono rin ang director, naging magkaibigan na sila ng tinaguriang Queen of all Media. 

“Nagte-text kami, nagkukumustahan kami kapag may shooting. Sobrang happy siya sa akin. Napa-proud daw siya sa akin,” tsika niya. 

Dagdag pa niya, may communication pa raw sila ni Kris kahit tila nananahimik ito. “Magka-viber kami. Busy rin siya at busy rin ako. Pero pag may time, dadalawin ko iyong bago niyang bahay. Pag wala kasi akong sked , out of the country naman siya,” ani Kim. Kung lie low man daw si Kris sa showbiz, dapat daw ay igalang na lang ito. 

“Si Ate Kris, deserved naman niya ang ‘rest’ kasi minsan nagkakasakit siya. Hindi naman siya nawala sa showbiz dahil may commercial siya at alam kong meron din siyang “Crazy Rich Asians,”pahayag niya. Excited din siya dahil sa kakaibang putaheng hatid ng kanyang pelikulang “The Ghost Bride”


“Kakaibang mundo siya ng Chinese traditions. Pati iyong untold Chinese tradition tungkol sa ghost bride o pagpapakasal sa patay na secret ay ngayon lang mai-introduce sa pelikula,”sey niya. Papel ni Mayen, isang Tsinay na papasok sa isang sikretong tradisyon ng mga Tsino sa payo ng isang misteryosang matchmaker upang matulungan ang kanyang pamilya ang papel na ginagampanan ni Kim sa pelikula. 

“Minsan, gagawin mo iyon, kapag kapit sa patalim ka na. Pero kapag kasi naging ghost bride ka na, hindi ka na puwedeng magkaanak. Magiging parte ka na ng pamilya. Kasama ka na sa mga events at traditions nila. Buong buhay mo, ide-dedicate mo na rin sa kanila at sa pamilya nila,” bulalas ni Kim. Bukod sa tema ng ghost bride, tatalakayin din sa pelikula ang iba’t-ibang tradisyon at paniniwala ng Tsino tulad ng ‘ghost month’. 

“Ano naman kasi. kahit hindi Chinese, kahit Pilipino. Ang lakas kasi ng Chinese culture dito sa Pilipinas. Naniniwala tayo sa fengshui. Naniniwala tayo na bawal ang kama sa harap ng pintuan, kasi malas. Ang dami nating pinaniniwalaang Chinese traditions. 

Kahit hindi tayo, Chinese, malakas ang influence sa atin ng mga Chinese,” paliwanag niya. “ Iyong tungkol naman sa ibang tradisyon tulad ng pag-o-observe ng ghost month, iyong hindi ka nagpipirma ng kung anu-ano, totoo iyon. 

Nakabukas kasi ang gates ng hell at heaven at may mga gumagala. Sa bahay namin, pinapraktis namin ang mga Chinese traditions tulad ng pag-aalay sa mga patay. Kaya nga nag-aalay kami sa may pinto kasi may mga ispiritung naglalakad. Totoo talaga siya. Iyong iba, dinadasalan pa every Friday. Iyong iba nagpapa-sermon pa sa Buddhist temple. Sa bahay namin sa Cebu, ginagawa iyon pero ako sa bahay, nag-aalay lang ako ng pagkain,” dugtong niya. 

Ayon pa kay Kim, willing daw siyang maging ghost bride kung ang kapalit daw nito ay matutulungan niya ang kanyang pamilya na nasa gipit na sitwasyon. 

Tungkol naman sa isyung nagkakalabuan na sila ni Xian Lim, idinenay ito ng Chinita Princess. “Wala pong nangyayaring ganyan,”pakli niya. 

Mula sa Star Cinema at sa direksyon ng master director na si Chito Rono, tampok din sa “The Ghost Bride” sina Matteo Guidicelli, Alice Dixson, Christian Bables, Robert Sena, Ina Raymundo, Beverly Salviejo, Isay Alvarez, Nanding Josef, Mon Confiado, Cacai Bautista, Jerome Ponce, Victor Silayan at marami pang iba. Mula sa iskrip nina Charlson Ong at Cathy Camarillo, ang “The Ghost Bride” ay isang perfect post Halloween treat na mapapanood na sa buong bansa simula sa araw ng Undas, Nobyembre 1.



No comments:

Post a Comment