Monday, 16 October 2017

Direk Mikhail Red paints modern-day Manila in his urban thriller



By Archie Liao


Pagkatapos umani ng mga papuri sa kanyang critically acclaimed film na “Birdshot” na pambato ng bansa sa 90th Oscars sa foreign language film category sa susunod na taon, may bagong putaheng hatid ang magaling na director na si Mikhail Red. Ito ay ang “Neomanila” na kalahok sa Circle Competition ng 5th Quezon City International Film Festival na magsisimula sa Oktubre 19. 
 
“Urban thriller siya. Hitman na babae si Eula, parang mother figure siya, tapos iyong real life partner niya si Rocky ang lover niya at the same time, siya iyong taga-drive ng motor. Tapos, may bata siyang inampon. Then, magkakaroon ng issues about loyalties. So, ganoon ang dynamics,” bungad niya. 
 
Ayon kay Mikhail, kakaiba raw ito sa una na niyang nagawang pelikula pagdating sa tema at preparasyon. 
 
“Malayo siya sa “Birdshot” kasi bukod sa urban thriller siya, may mga action scenes siya at night sequences. Iba iyong circumstances in terms of production. Iyong “Birdshot” inabot siya ng two years, samantalang itong “Neomanila”, we just finished it in just a couple of months,” pagbubunyag niya. 
 
Kuwento pa niya, relevant daw at napapanahon ang tema ng bago niyang obra. 
 
“Para sa akin, statement siya ng bagong face ng Manila. Present day siya. Para ito iyong current situation at the same time, parang match din siya sa “In The Claws of Neon” o “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag”, kaya iyong aesthetics niya ay neon-lit at dark ang mga sequences,” paliwanag niya. 
 
 
 
 
Sobrang challenging din sa kanya ang paggawa ng nasabing pelikula.
 
 “Technically challenging siya sa akin kasi may mga action sequences. Madugo rin siyang i-shoot kasi sa isang araw, kailangan naming isiksik sa sked para maraming sequences na makunan dahil sa time frame na hinahabol namin,” ani Mikhail. 
 
Hirit pa niya, hindi isang propaganda ang kanyang “Neomanila”. 
 
“Hindi mo maiiwasan iyong konting political, pero hindi siya preachy kasi perspective siya ng mga tao sa gitna. Literally people in the middle na siyang nagiging frontliners sa mga killing operations at sa war on drugs. Perspective din siya ng bata na inampon noong utak ng mga hitmen lurking in the dark. Classic element din siya ng noir . Likeable killer pero corrupt ang cops,” pagbabahagi niya. 
 
Bilang paghahanda, nag-research din daw siya tungkol sa ‘tokhang operations’ sa bansa. “Hindi naman siya tungkol sa pulis kundi sa mga hitmen o middlemen na nai-expose sa risk pero never namang nalalaman o nahuhuli iyong mga nagbabayad sa kanila. So, sa kuwento, may element siya ng mystery at ambiguity na siya namang nangyayari in real life situation,” aniya. Dahil sa strong woman character sa “Neomanila”, hindi rin maiiwasang may elemento ng women empowerment ang pelikula. 
 
“Sa paggawa ko naman ng movies, just like the character of Maya in “Birdshot” , laging may ganoong element na gusto kong ipakita na nagma-matter ang gender”, pagwawakas niya. Bukod kina Eula Valdes at Rocky Salumbides, tampok din sa “Neomanila” si Timothy Castillo. 
 
Tungkol naman sa pagkapili ng Film Academy of the Philippines sa kanyang pelikulang “Birdshot”bilang opisyal na kalahok sa prestihiyosong Academy Awards next year, sobrang thankful si Mikhail dahil napansin ang kanyang obra.
 
 
 

No comments:

Post a Comment