Monday 9 October 2017

Direk Ralston Jover talks about his controversial film “Bomba” (The Bomb)


By Archie Liao


Muli na naman tayong gugulantangin ng award-winning director na si Ralston Jover sa kanyang pinakabagong pelikulang “Bomba” (The Bomb). 

Hindi matatawaran ang achievement ni Direk Ralston bilang scriptwriter at direktor. 

Apat na beses na siyang nagwagi ng Best Scriptwriter sa YCC( Young Critics Circle). Siya rin ang sumulat ng mga makabuluhang obrang "Kubrador", "Tirador", "Foster Child", "Manoro", "Porno", "Children's Show" at marami pang iba. Ang kanyang unang pelikulang "Bakal Boys" ay nanalo ng awards sa Vancouver International Film Festival sa Canada, Thessoloniki Film Festival sa Greece at Torino Film Festival sa Italy. Ang kanyang Cinemaone Originals movie na "Hamog" ay nakatanggap ng Golden Goblet award for outstanding artistic achievement sa Shanghai International Film Festival at nagpanalo sa lead actress nitong si Teri Malvar bilang best actress sa Moscow International Film Festival noong nakaraang taon. 

Ang kanyang pinakabagong pelikula ay isang social drama tungkol sa isang middle-aged man na isang pipi na may madilim na nakaraan at may “taboo relationship” sa isang 16-year old teener na kanyang inampon na ang pagsasama ay mauuwi sa isang malungkot na wakas. 

Ayon kay Direk Ralston, nanggaling ang ideya ng pelikula sa producer nitong si Dennis Evangelista na siya ring naghatid sa atin ng multi-awarded masterpiece na “Magkakabaung”ni Jason Paul Laxamana. 

“Nagre-research kasi kami ng karakter. Nagre-research kami tungkol sa mga terrorists ni Dennis (Evangelista). Unlimited siya. Tungkol sa NPA, sa Abu Sayyaf. Ayoko namang maging political dahil wala akong alam sa politics. So, the concept came from Dennis. Medyo misleading ang title dahil it could mean a bold film, a movie on terrorism or even a biofilm like Bomba Arienda, so we came up with a story of a deaf person,” kuwento niya. Ang “Bomba” raw ay isang napapanahong pelikula kung saan makikita natin ang ating sarili. “Kuwento siya ni Pipo. Nagre-represent siya sa lahat ng Pilipino. Araw-araw, napupuno na tayo ng problema, sa traffic, sa tokhang, sa away sa pulitika. Minsan, pinapatay na natin ang radyo dahil sa dami ng naririnig nating problema, and yet, walang nagsasabi kung kelan sasabog ang bomba?,” aniya. “Symbolic din ang character ni Allen. He’s like a ticking bomb. Machiavellian ang plot. It has a very, very sensitive subject matter. There’s also a suggestive scene of sexual tension between a man and a young girl,” dugtong niya. Complex daw ang character ni Allen na mag-aala Nora Aunor na matagumpay na naitawid ang kapani-paniwalang pagganap bilang pipi sa pelikulang “Sidhi”. 

“Deaf siya but not mute, pero in a way, muted na rin siya dahil sa hindi siya makapag-express. May mga scenes na sumisigaw din siya but he suffers in silence. May traumatic past din siya at may sikreto. Nagsimula siyang kargador na laging nawawalan ng trabaho and that makes him frantic. So para siyang bombang sasabog. He ends up working sa punerarya kung saan pini-pressure siyang magtrabaho nang magtrabaho,” paglalarawan pa niya. 

Nilinaw naman ni Ralston na hindi pagtuligsa sa rehimeng Duterte ang pelikula bagamat backdrop ng social drama ang EJK o extrajudicial killings at kasalukuyang kaganapan sa bansa.

 "As I’ve said, it’s not political, but a social statement kung ano ang puwedeng mangyari after this regime. May EJK siya because part siya ng story of the place. May ‘tokhang’ but we don’t pass judgment on ‘tokhang’ but part lang siya ng milieu kung saan nakatira iyong character. It’s a state of the nation. Part lang siya sa buildup ng pressure sa character on how he takes the miseries around him,” pagwawakas niya. 

Kontrobersyal ang “Bomba” dahil nabigyan ito ng X rating sa first review pero na-reverse naman ito nang iapela kaya naging R-13 na ang rating nito. Ang pelikulang ito ay kalahok sa 33rd Warsaw International Film Festival sa Poland, isang A-list festival kung saan posibleng kabugin na naman ni Allen ang kanyang mga kalaban sa acting award. Bukod kay Allen tampok din sa “Bomba” (The Bomb) sina Angeline Nicole Sanoy, Allan Paule, Kate Brios, Sue Prado, Joel Saracho, Tabs Sumulong, Romeo Lindain, Bon Alentajas, Felixia Dizon, Lucas Dizon at marami pang iba. 




No comments:

Post a Comment