By Archie Liao
Nanalo na ang magaling at premyadong actor na si Ronnie Lazaro bilang best supporting actor sa 47th edition ng Gawad Urian para sa pelikulang “Gospel of the Beast” ni Sheron Dayoc noong Hunyo.
Sa katatapos na awards night ng ika-6 na edisyon ng Sinag Maynila Filmfest, siya naman ang tinanghal na best actor para sa kaparehong pelikula na kalahok sa full-length film category ng nasabing indie filmfest.
Si Ronnie ay napansin sa kanyang pagganap bilang Uncle Berto, isang lider ng mga sindikato na nagmulat sa kanyang pamangkin sa mundo ng krimen at karahasan sa nabanggit na obra ng iprinudyus ng Southern Lantern Studios,Tinker Bulb at E&W Films.
Ani Ronnie, hindi raw niya ini-expect na mananalo siya ng award sa naturang pelikula sa ibang kategorya.
“I did not expect to win the award. Malaking bagay na sa akin iyong ma-nominate ako,” bungad niya.
Gayunpaman, masaya raw siya dahil napansin ng mga hurado ang kanyang performance sa nasabing coming of age film na una nang tinanghal bilang best feature film sa Ho Chi Minh International Film Festival sa Vietnam at best narrative feature sa Bali International Film Festival sa Indonesia.
“I always abide sa decision ng jury. Siguro, may nakita silang bagay na…I mean, dapat sa ibang category ako,” pahayag niya. “Actually, I am very grateful for the recognition. Bonus na lang ito para sa akin kasi iyong mabigyan ka ng citation is already a big thing,” dugtong niya.
Hirit pa niya, inspirasyon daw sa kanya ang pagkapanalo para pagbutihin pa ang kanyang craft.
“Every award for me serves as an inspiration to be better in my craft. It motivates me to keep on finding ways to improve my craft,” deklara niya.
Samantala, nagpapasalamat naman siya dahil sa pamamagitan ng Sinag Maynila ay nagkakaroon ng venue na mapanood ng mas maraming tao ang kanilang pinaghirapang pelikula.
“I’m thankful to the organizers of the filmfest especially Mr. Wilson Tieng, Butch Ibanez and Direk Brillante Mendoza. With the backing of Solar Entertainment, nagkakaroon ng opportunity iyong films na kasali na mapanood ng mas malawak na audience natin at sa mas maraming venues,”pagtatapos niya.
Sey pa niya, inihahandog din daw niya ang kanyang award sa mga kasamahan niya sa “Gospel of the Beast.”
Dagdag pa niya, gusto rin daw niyang ialay ang kanyang tropeo sa kanyang pamilya lalo na sa kanyang misis na si Maria Dolores “Lola” Pizarro at sa anak na si Gabriel.
Bukod sa “Gospel of the Beast”, ang iba pang mga kalahok sa Sinag Maynila ay ang “Her Locket”, “Talahib”, “Maple Leaf Dreams”, “Banjo”, “What He Did” at “Salome.”
Mapapanood din ang pitong documentary films at sampung shorts.
Ang Sinag Maynila ay may extended run sa mga piling sinehan tulad ng Gateway, Robinsons Galleria Ortigas, Robinsons Manila, SM Fairview, SM Mall of Asia, SM Manila, SM Megamall, SM North Edsa, SM Southmall, SM Sta. Mesa, at Market Market.
No comments:
Post a Comment