By Archie Liao
Nagsabog ng kilig ang tambalang MaKi nina Mary Joy Apostol at Akihiro Blanco sa special screening ng pelikulang “The Last 12 Days”, isang BladeStories special na ginanap kamakailan sa Ayala Malls Manila Bay sa Paranaque.
Dinaluhan ito ng mga tagapagtangkilik ng Blade, sponsors, media people at ng mga tagahanga ng tambalang Maki na bahagi ng 12 Days Saga.
Naging kaabang-abang din ang pelikula dahil excited ang mga tagasubaybay sa kahihinatnan ng journey ng kuwento ng pagmamahalan nina Camille at Daniel na ginagampanan ng kinakikiligang love team.
“Actually, excited kami dahil ito na iyong last part ng trilogy. Gusto rin naming i-share ito lalo na roon sa nakasubaybay sa istorya nina Camille at Daniel at kung ano ang magiging pagtatapos ng kanilang kuwento, “ani Akihiro.
Dahil ito raw ng ikatlong pagkakataong nagsama sila, iba na raw ang level of comfort nila sa pakikipagtrabaho sa isa’t-isa.
“Mas relaxed na kami ni Aki. Iyong kumportable na kami sa isa’t-isa kumpara noong ginawa namin iyong first installment,” ayon kay Mary Joy.
Nilinaw din ni Mary Joy na walang nabuong romansa sa kanila noong ginawa nila ang pelikula.
“Kami naman ni Aki. We’re close friends. Iyon siguro ang factor na nakatulong para magawa namin smoothly iyong movie. Kumbaga, wala na kaming ilangan,” lahad niya.
Bagamat itinuturing niyang dyowa material si Mary Joy, hindi raw naman nag-attempt si Akihiro na ligawan ni Mary Joy.
“Baka kasi pag ligawan ko siya, masira pa iyong friendship namin,” pagbibiro ng binata. “Actually, she’s a dyowa material naman,” dugtong niya.
Hindi naman ikinaila ni Akihiro na kinilig din siya sa kissing scenes nila sa last installment ng trilogy.
“Siyempre, sino ba ang hindi kikiligin? Ito na kasi iyong last part ng trilogy so naisip namin na itodo na. Kung magiging happy ending siya, iyon ang dapat na abangan,”bulalas ni Aki.
Ang special screening ng “The Last 12 Days” ay bahagi ng selebrasyon ng ikadalawampung taong anibersaryo ng Blade Auto Center.
“This is not only a treat to Maki fans but also a treat to all loyal customers who believe in our brand, without whom we could not reach this monumental milestone,” sey ni Robert Tan, CEO ng Blade Auto Center.
Ang Blade ay nagsimula ng kanyang kauna-unahang store sa Ayala Market-Market noong 2004.
Dahil sa sipag, tiyaga at enterpreneural spirit ng prime movers nito, lumago ito at itinuturing na bilang pinakamalaking car accessories chain sa Pilipinas na may over 50 branches nationwide.
Noon namang 2018, sumabak ito sa pagproprodyus ng pelikulang “Dito Lang Ako” na naging epektibong tool sa kanilang non-traditional marketing.
Dahil sa more than 25 million views nito kasama na ang 12 Days saga globally, gumawa na sila ng kasaysayan sa entertainment industry.
Sa pakikipagtulungan kay Vic del Rosario, founder at CEO ng Viva Entertainment, ang “The Last 12 Days” ay mapapanood na rin sa Viva One kasama pa ang ibang titulong "Dito Lang Ako", "12 Days to Destiny", "The Next 12 Days", at "Good Times Bad."
Ang “The Last 12 Days” ay isang buhay na testamento ng commitment ng Blade Auto Center na maibahagi ang kultura nito sa pagbabahagi ng mga kuwentong magiging bukal ng inspirasyon sa lahat.
Si Akihiro Blanco ay naging bahagi ng talent search show na" Artista Academy" samantalang si Mary Joy Apostol ay nakilala sa mga makabuluhang pelikula tulad ng "Birdshot" at "Hospicio."
No comments:
Post a Comment