Monday, 27 November 2017

Robin, na-miss si Sharon



By Archie Liao


Na-miss ng original Bad Boy of Philippine movies na si Robin Padilla ang pakikipagtrabaho sa Megastar na si Sharon Cuneta.

“Sino ba naman ang hindi makaka-miss? Halos dalawang dekada rin iyong last namin,” pagbabalik-tanaw ni Robin.

Nakaka-relate raw si Robin sa kanyang role sa nasabing pelikula bilang Cocoy dahil may ligawan scene raw sila ni Sharon.

“Parang bumalik iyong panahon na nililigawan ko pa lang siya. Naalala mo iyong mga panahong nakaranas kang ilang beses mabasted,” aniya.

Dagdag pa niya, ang pakikipagtrabaho raw kay Sharon ay isang bagay na nilo-look forward niya.

“Lahat kasi ng mga blockbuster movies ko, kasama siya at iyong pinagsamahan namin, ganoon din siya kalalim,” pakli niya.

Malaki rin ang pasasalamat niya kay Sharon dahil sa naging tulong nito sa Tindig Marawi.

“Isa siya sa aking tinularan na tumutulong kahit wala sa harap ng camera. Sa katunayan, ayaw niyang ma-publicize ang kanyang magagandang gawa dahil hindi niya nakaugalian iyon,” ani Robin. "Napakalaki rin ng kanyang inambag sa Tindig Marawi. Hindi na siya pumayag na sabihin ko ang halaga pero marami itong zero," dagdag niya.

Happy din si Robin dahil kasama rin niya sa pelikula si Julia Baretto na anak ni Dennis Padilla.

“Sabi ko nga sa kanya, sidekick ko sa mga pelikula ko ang Daddy niya at pati ang tita niyang si Claudine, nagka-partner din kami sa pelikula, so parang may nag-flash back lang sa akin,” paliwanag niya.

Puring-puri rin niya si Joshua Garcia na gumaganap na pamangkin niya sa pelikula na katuwang niya sa  panliligaw sa mag-inang Patty at Yanni na ginagampanan nina Sharon at Julia sa pelikula.

“Intense siya at malayo ang mararating niya,” pakli niya.

Nagpapasalamat din si Robin dahil maluwalhating naidaos ang Spanish royalty themed birthday party ng kanyang anak na si Isabella kay Mariel.

“Walang pinakamasaya sa isang lolo kundi ang mayakap at mabuhat ang isa sa unang apo. Wala siyang katumbas na kaligayahan siya para sa akin,” aniya.

Malaki rin ang pasasalamat niya sa mga taong hindi nagkait ng tulong para sa kanyang Tindig Marawi. 

“Ito kasi iyong panahong kailangan natin ng pagkakaisa. Tulad na lamang ng mga pamilyang naapektuhan ng giyera sa Marawi, kailangan nilang bumangon sa kanilang buhay at kabuhayan at hindi nila magagawa iyon kung hindi natin sila tutulungan,” esplika niya. “Ang kawangggawa sa kapwa ay pagiging maka-Diyos at Makabayan. Tayo ay mga Pilipino at walang tutulong sa Pilipino kundi kapuwa Pilipino,” dugtong niya.

Bukod sa “Unexpectedly Yours”, magbabalik-teleserye si Robin sa isang proyekto kasama si Jodi Sta. Maria.




No comments:

Post a Comment