Tuesday, 7 November 2017

Dan Villegas directs his first gender-fluid musical



 By Archie Liao

Aminado ang magaling na director na si Dan Villegas na-inspire siya sa musical play na “Changing Partners” na isinulat ng acclaimed playwright na si Vince de Jesus at idinirehe ni Rem Zamora sa PETA noong nakaraang taon. “Before ko pang napanood iyong play, meron nang word of mouth iyong play. 


Noong first run niya sa PETA, na-miss ko siya. A couple of months later, tumawag sa akin si Vince de Jesus, iyong playwright ng “Changing Partners” at inalok niya sa akin kung puwede ko raw idirek iyong film version kasi balak daw nila na ipasok sa Cinemaone Originals. So, doon nag-start. Eventually, napanood ko rin siya. Sinama ko iyong staff ko, nag-iyakan kami. Ganoon ang effect niya sa amin,” bungad niya. 


Bilang isang barako na identified sa mga romantic comedy at drama kung saan ang perspective ng isang lalake ang tinatalakay, nahirapan siya sa pagsasalin nito sa pelikula mula entablado. “ Kakaiba siya. Number one, musical siya. Ikalawa, never ko pa siyang nagagawa, so iyon ang challenge,”pahayag niya. “Nahirapan ako in terms of adapting it on the screen. Nag-aral ako, nagbasa, even iyong mga theoreticals, pero iba pala kapag ginagawa mo na,” dugtong niya. 

Dahil apat na magkakaibang characters at genders ang pinapaksa ng pelikula, kumuha raw siya ng peg sa iba’t-ibang tao. “Iyong gay perspective, iyong assistant director ko. Nag-co-consult ako sa kanya at pinakukuwento kung ano iyong physiques. Sa lesbian naman, pag may problema ako, tatawagan ko iyong sister ko kasi mas barako iyon sa akin. Siyempre, iyong iba, collaborative effort siya ng cast,” pagtatapat niya. May naging kundisyon din siya sa pagtanggap ng nasabing proyekto. “Sabi ko, gagawin ko lang siya with the same cast. Kasi, iyong journey nila, nasubaybayan ko,” hirit niya. 


May mga pagbabago rin siyang ginawa para matagumpay na maisalin ito mula sa teatro papuntang pelikula. “May mga binago kami kasi it’s a relationship story told in different genders. In-expand namin iyong back stories ng mga characters. Iba kasi if you move from one medium to another, pero ayoko namang masyadong lumayo,” bulalas niya. Maganda rin daw ang mensahe ng “Changing Partners” dahil marami ang makaka-relate. “Love is love regardless of gender. Nawawalan ka na ng pakialam kapag nai-in love ka. You don’t care anymore about the gender. Pag mahal mo, mahal mo,” pagwawakas niya. 

Tampok sa “Changing Partners” sina Agot Isidro, Sandino Martin, Jojit Lorenzo at Anna Luna. Bilang opisyal na kalahok sa 13th Cinemaone Originals , mapapanood na siya sa Trinoma, Glorietta, Gateway, UP Cine Adarna, Cinema ’76 at Cinematheque Manila cinemas mula Nobyembre 13-21 at sa Power Plant Mall mula Nobyembre 22-28. 




No comments:

Post a Comment