Saturday 18 November 2017

Award-winning Sylvia Sanchez wants to portray diverse ‘mother’ roles



By Archie Liao

Pagkatapos magmarka sa kanyang role bilang Gloria, isang martir na ina at asawang nagkaroon ng Alzheimer’s disease sa “The Greatest Love”, nagbabalik ang acclaimed at award-winning actress na si Sylvia Sanchez sa “Hanggang Saan” na iprinudyus ng unit ni Ginny Monteagudo Ocampo na siya ring naghatid sa atin ng naunang hit teleserye.

“Sa bagong teleserye ko, I play Sonya, matapang na nanay na palaban. Sa “The Greatest Love” ang haba ng pasensiya at sobra ang tiniis ni Gloria sa mga anak kahit binabastos siya. Iyakin siya at titiisin ang lahat para sa anak, pero sa bagong serye, palaban siya, matapang at hindi iyakin,” sey niya. “Sa “Hanggang Saan”, ipakikita rin kung hanggang saan ang kayang gawin ng isang ina para magsakripisyo at protektahan ang kanyang anak,” dugtong niya.
Dagdag pa niya, nakaka-relate raw siya sa kanyang role dahil tulad ni Sonia, ina rin siya sa tunay na buhay.

“Nakaka-relate ako dahil bilang isang ina, protective rin ako sa mga anak ko. Pro-protektahan ko sila habang ako ay nabubuhay. Hindi ko papayagan na mapahamak sila at malagay sa situwasyong hindi nanaisin ng isang ina,” paliwanag niya.

Sa mga pelikula (Nay, Mama’s Girl) at sa mga teleserye, halos lahat ay nanay o nanay-nanayan ang roles niya, pero hindi raw ito bagay na sinadya.
“Siguro, kaya ganoon, nakita lang nila na effective ako sa mga nanay roles. Mas nakaka-identify din ako dahil nanay naman talaga ako sa tunay na buhay,” aniya. “At saka, eto ako, eh. Kumbaga, ito iyong comfort zone ko kasi madali akong makaka-relate lalo na’t ang mga nanay nagkakaroon din ng mga problema sa kanilang mga anak kung saan sila humuhugot na siya namang natatalakay sa mga teleserye,” dugtong niya.





Hirit pa niya, kahit mga papel ng nanay ang natotoka sa kanya, sinisiguro niyang hindi nauulit ang kanyang mga roles at maging ang mga atake niya rito.
“Gusto ko bawat role na ginagampanan ko, iba sa mga nagawa ko na. Kahit nanay iyan, maraming klaseng nanay na puwede pang i-portray na hindi ko pa na nagagampanan. Pinaghahandaan ko rin siya dahil minsan kailangang baguhin ko iyong hitsura ko, iyong pisikal para maiba siya sa mga roles na nagampanan ko na,” bulalas niya. 


Kuwento pa niya, may mga roles naman na hindi nanay na gusto niyang bigyang-buhay.

“Marami pa namang roles tulad ng isang matandang dalaga, isang soltera o iyong mentally challenged na puwede kong gawin. Siyempre, gusto ko rin namang i-try ang ibang roles,” deklara niya.
Sa teleseryeng “Hanggang Saan”, makakasama ni Sylvia ang kanyang tunay na anak na si Arjo  Arjo Atayde, na gaganap naman bilang Paco, isang matalinong estudyante ng abogasya na nagsusumikap para mabigyan ng mas komportableng buhay ang pamilya.

Kasama rin sa cast sina  Ariel Rivera,  Yves Flores, Maris Racal, Marlo Mortel, pati na rin sina Nikko Natividad, Rommel Padilla, Nanding Josef, Anna Luna, Mercedes Cabral, Rubi Rubi, Viveika Ravanes, Sharmaine Suarez, Ces Quesada, Arnold Reyes, Maila Gumila, at Junjun Quintana. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Mervyn Brondial at Jeffrey Jeturian.

Mapapanood na ang “Hanggang Saan” simula sa Nobyembre 27 sa Kapamilya Gold.



No comments:

Post a Comment