Friday, 31 January 2025

New PMPC officers officially inducted by Isko Moreno

By Archie Liao

Matagumpay na naidaos noong Martes, Enero 28, 2025, ang panunumpa sa tungkulin o induction ng mga bagong halal na opisyales ng PMPC Star Awards, Inc. sa Adriatico Arms Hotel sa J. Nakpil, Malate, Manila.

Pinangunahan ng dating alkalde ng Maynila at aktor sa pelikula at telebsiyon na si Francisco "Isko Moreno" Domagoso ang nasabing 2025 oath taking ceremony na pinamumunuan ni Mell Navarro, ang newly-elected PMPC President.

Ang iba pang bagong opisyal ng PMPC na nanumpa sa tungkulin ay sina Fernan de Guzman, vice president; Jimi Escala, secretary; Mildred Bacud, asst. secretary; Boy Romero, treasurer; John Fontanilla,  asst. treasurer; Rodel Fernando, auditor; Eric Borromeo at Blessie Cirera bilang mga PRO .

Nanumpa rin ang bagong Board of Directors na sina Roldan Castro, Evelyn Diao, Leony Garcia, Rommel Gonzales, Rommel Placente, at Francis Simeon.  

Nagbigay ng pananalita at pagbati si Yorme sa mga nahalal na bagong opisyal ng PMPC, kasabay ng pangako niyang pagsuporta sa mga adhikain ng samahan.

Gayundin, iginiit ni Moreno ang hangarin niyang matulungan ang PMPC sa pagsasagawa nito ng Star Awards for Movies, Music at Television.  

Kaya nga binanggit niya na nakahanda siyang gawing sentro ng mga awards night ang Metropolitan Theater sa lungsod ng Maynila, sakaling “makabalik” siya sa kanyang tungkulin sa siyudad, kasama ang bise alkalde niyang si Chie Atienza.

Kinikilala ang PMPC Star Awards, Inc. bilang pinakamatagal na samahan ng showbiz media (entertainment editors, mga kolumnista, bloggers, TV and radio hosts), mula nung itinatag ang organisasyon noong 1960’s.

Sa panahon ng panununungkulan ni Pangulong Mell Navarro, sisikapin anya nitong pag-ibayuhin pa ang antas ng lokal na pamamahayag ng industriya ng entertainment, para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na para sa maayos na samahan at kapakanan ng PMPC members.

No comments:

Post a Comment