Thursday 12 July 2018

Persistence finally pays off for Cinemalaya auditionee Junyka Santarin

By Archie Liao 

Bida na ang promising child actress na si Junyka Sigrid Santarin sa pelikulang “Musmos na Sumibol sa Gubat ng Digma (Unless The Water Is Safer Than The Land) ni Iar Lionel Arondaing na siya ring nagdirehe ng “Sa Gabing Nanahimik ang Mga Kuliglig” na naging kalahok sa Cinemalaya noong nakaraang taon. Nakalabas na ni Junyka bilang batang Nadine lustre sa pelikulang “This Time”. Nasa cast din siya ng international movie na “Watch Me Kill” kasama ang award-winning actress na si Jean Garcia.


Sa telebisyon naman at maging sa mga commercials, pamilyar na rin ang mala-anghel na mukha niya. Siya ang gumanap na batang Heart Evangelista sa “Dwarfina” sa GMA-7, batang Arci Munoz sa “Felina” at isa sa mga anak ni Alice Dixson sa teleseryeng “Isang Dakot na Luha” sa TV 5. Napanood na rin siya sa isang episode ng “Wansapanataym Presents” sa Channel 2. Dumaan din siya sa butas ng karayom bago pa siya nakuha sa Cinemalaya. “Pang-limang audition ko na po ito sa Cinemalaya. Ngayon pa lang po ako nabigyan ng pagkakataon na maipakita ang galing ko sa pag-arte kaya nga po nagpapasalamat ako kay Direk Iar dahil sa pagpili sa akin sa mga nag-audition at sa pagbibigay po sa akin ng opportunity,” pagbubukas niya. Napapanahon ang pelikulang “Musmos na Sumibol sa Gubat ng Digma (Unless The Water Is Safer Than The Land) dahil tatalakay ito sa political unrest sa Mindanao at sa kultura ng rido o clan feud ng Maranao kung saan maiipit sa digmaan ang mga kabataang tulad ni Eshal, karakter ni Junyka. 


“Isa po siyang panganay na babae. Nagsu-survive po siya at prinoprotektahan po ang kanyang nakababatang kapatid na si Afhan. Namatay po ang kanyang mga magulang noong baby pa lang siya. Kailangan po niyang gawin lahat para maprotektahan ang kanyang kapatid as well po iyong angkan namin,”pagkukuwento niya. Malaking challenge rin daw para sa kanya ang paggawa ng nasabing Cinemalaya movie. “Araw araw po kaming nagsho-shooting. Nag-shoot kami sa masukal na gubat. May mga bagay po akong ini-sacrifice like iyong hair ko po. Pati po iyong ibang projects ko sa Manila,” tsika niya. Thrilled din siya sa mga naging kasama niya sa pelikula. “Si Star Orjaliza po ang mommy ko rito. Ang kapatid ko rito ay baby pa lang. Si JM naman, nakilala ko sa isla kung saan ako napadpad. In the end, matutuklasan kong ibang angkan pala sila at dapat nilang abangan kung bakit ako nagpagupit dito,” aniya. 


Bilang isang batang Muslim, pinag-aralan din daw niya ang kanyang role. “ Actually, tinuruan po kami ng aming director ng tamang pananamit, paggalaw at iyon pong tamang pagsamba ng mga Muslim,” hirit niya. Marami rin daw siyang natutunan sa pelikula at maging sa kanyang role. “Natutunan ko po kung gaano kahirap ang buhay ng mga Muslim, lalo na kung digmaan kaya nga po dapat sa kanila ay inuunawa,” ani Junyka. “Kung may kapatid ka naman, dapat mahalin mo. Dapat din po na pahalagahan ang buhay na binigay sa atin ng Diyos. 

Kung ano mang biyaya dapat tayong magpasalamat at higit sa lahat, dapat pong maging maka-Diyos para po magkaraoon ng kapayapaan,” pagtatapos niya. Kabituin ni Junyka sa Musmos na Sumibol sa Gubat ng Digma (Unless The Water Is Safer Than The Land) sina JM Salvado, Star Orjaliza, Jun Salvado Jr., Romerico Jangad, Darril Ampongan, at Haide Movero. Bilang kalahok sa full-length feature category ng 2018 Cinemalaya, mapapanood na ito sa mga piling CCP venues at sa Ayala Mall cinemas mula Agosto 3 hanggang 12.




No comments:

Post a Comment