Wednesday, 21 September 2022

Direk Njel de Mesa supports only digital online platforms

 

By Archie Liao

Walang nakikitang kumpetisyon sa mga pelikulang ipinalalabas sa online platforms at sa mga sinehan ang Palanca-award winning writer- director at MTRCB board member na si Njel de Mesa. Katunayan, suportado raw niya ang mga content na napapanood sa digital entertainment hubs. "I think, it's part of the evolution. Ganoon naman talaga ang buhay. We have to adapt to the changes, " ani Direk Njel. Sey pa niya, contrary to the perception na gustong sakupin ng Movie and Television Review and Classification Board ang mga pelikulang ipinalalabas sa online content, iba raw ang kanyang paniniwala. "Kailangang mag-evolve rin tayo.

Hindi naman iyon puwedeng i-police dahil napakalawak noon at wala naman siya sa mandato ng board. Well, gusto lang naming protektahan at magbigay ng mungkahi sa kung ano ang puwedeng ipapanood sa mga bata kasi kawawa naman sila dahil wala na silang mapanood na content para sa kanila, "paliwanag pa niya. Katunayan, nasimulan na raw sa nakaraang administrasyon ng ahensiya ang pakikipagtulungan sa streaming sites tulad ng Netflix. "Ang maganda lang, ang Netflix pa mismo ang gustong makipag-collaborate sa MTRCB when it comes to age-appropriateness of content," esplika niya. Naniniwala rin siya na kayang ibalanse ng mga mambabatas ang pagproprotekta sa mga manonood at sa interes ng mga manggagawa at mga namumuhunan sa local movie industry. 

Masaya rin si Direk Njel na bumalik na ang sigla sa mga sinehan nang ipalabas ang Maid in Malacanang na magandang senyales ng bagong simula sa new normal. "I can only be happy for the industry. Nauna na ang pagiging artist ko kesa pulitikal. Masaya ako sa mga artista na namamayagpag kahit ano man iyong gusto nilang sabihin. Ang mahalaga sa akin, may sinasabi sila, "ani Direk Njel. Pagkatapos ng kanyang pelikulang Coronaphobia, aarangkada naman si Direk Njel sa political thriller na The Miranda Bomb. Halaw ito sa mga katotohanang ibinunyag ni Victor Corpus at Ruben Guevara tungkol sa isang foreign correspondent na nakakalap ng impormasyon sa mga taong nais pabagsakin ang noo'y rehimen ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. "Basically ang gusto ko lang sabihin bilang filmmaker, di ba noong nakaraang halalan, napaka-polarized natin. 

Di ba ang panawagan, magkaisa tayo. Gusto ko lang malaman ng mga tao, bakit ba tayo nagkakahiwalay?Kelan ba tayong huling nagkahiwalay sa pulitika? Gusto kong makita nila iyon kung paano tayo magkakasundo, "pagtatapos niya. Tampok sa The Miranda Bomb ang eksplosibong cast na kinabibilangan nina Cheska Ortega, Paolo Paraiso, Ivan Padilla, Suzette Ranillo, Johnny Revilla, Shaneley Santos at Cay Cujipers.

No comments:

Post a Comment