Isang mahalagang pelikula para kay presidential aspirant Isko Moreno ang musical film na Yorme: The Isko Domagoso Story. Bukod kasi sa makabuluhang mensahe nito, reunion din ito ng ilan sa mga dating sikat na miyembro ng youth oriented show ni German “Kuya Germs” Moreno na “That’s Entertainment” na kinabibilangan niya.
May cameo role sa Yorme sina Bryle Mondejar, Jojo Abellana, Jennifer Mendoza, Jovit Moya, Manolet Rippol, Jojo Alejar, Lovely Rivero, Keempee de Leon, Ricky Rivero, Karen Timbol, Jeffrey Santos at Maricar de Mesa.
Gumanap naman bilang parents ni Isko sina Tina Paner at Monching Gutierrez samantalang si Jestoni Alarcon ay si Daddy Wowie Roxas, ang discoverer at talent manager ni Isko.
Malaki rin ang role ni Janno Gibbs sa musical film dahil siya ang nagbigay buhay sa karakter ng star builder na si Kuya Germs.
Dahil ang Yorme ay istorya ng buhay ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsimula ang showbiz career sa That’s Entertainment kaya sinadya ng director ng pelikula na si Joven Tan na bigyan kahit maliliit na role ang dating mga kasamahan ni Isko sa programa. Ayon kay Direk Joven, madali niyang napakiusapan ang mga ito. Ang medyo naging mahirap lang para sa kanya ay kung saan hahagilapin ang iba dahil karamihan sa kanila ay hindi na rin aktibo sa showbiz.
“Wala namang naging problema. Excited pa nga sila, eh,” lahad ng direktor.
Ang Yorme na prinodyus ng Saranggola Media Productions and distributed by Viva Films ay pinagbibidahan nina Raikko Mateo (batang Isko), McCoy de Leon (teenager na Isko) at Xian Lim (present generation Isko). Mayroong 15 original songs sa pelikula na lahat ay sinulat ni Joven na isa ring award-winning songwriter at 2013 grand champion ng Himig Handog P-Pop Love Songs para sa kantang Ano’ng Nangyari Sa Ating Dalawa.
Kabilang dito ang kantang Naniniwala Ako ni Raikko, Nais Ko at Artista Na Ako ni McCoy, at Alam Ko Po Yon ni Xian.
May production numbers din si Janno as Kuya Germs ng mga kantang Palakpakan at Bakit Lahat Gustong Mag-artista? suot ang kumikinang nitong coats na naging trademark noon ni Kuya Germs. Of course, may konting kwento rin tungkol sa humble beginnings ng Master Showman bago siya nakilala sa industriya.
Ang pelikulang Yorme ay very entertaining dahil sa magagandang kanta at production numbers ng cast. Ipapakita ng pelikula ang mga naging struggles ni Isko nung kanyang kabataan hanggang pasukin niya ang mundo ng pulitika.
Mapapanood ang Yorme sa mga sinehan sa Dec. 1.
No comments:
Post a Comment