By Archie Liao
Nasa realty business and movie producer na si Jojo Barron na ang linya ng negosyo ay may kinalaman sa reclamation at land development.
Pero dahil sa pagmamahal niya sa sining, pinasok niya ang pagproprodyus ng pelikula at stage plays.
Dalawang obra ni Ricky Lee ang kanyang naiprodyus sa entablado kasama na ang kontrobersyal na Solo Para Adultos.
Siya rin ang nagprodyus ng pelikulang Chopsuey ni Cathy Camarillo na pinagbidahan ni Piolo Pascual at ng LGBT themed film na Sikil na idinirehe ni Roni Bertubin.
Pagkatapos ng sampung taon, balik siya sa pagproprodyus ng napapanahong pelikulang Lockdown sa ilalim ng bagong tatag na kumpanyang For the Love of Art Productions.
Naniniwala kasi siyang kapag naging "passion" na ng isang tao ang isang bagay, babalik at babalik siya sa kanyang nakahiligan.
Malaking parte rin ng kanyang desisyon na magprodyus muli ang tiwala niya sa multi-awarded director na si Joel Lamangan.
Bagamat may health crisis pa sa bansa dahil sa Covid-19,naniniwala naman siyang may puwang sa puso ng bawat Pinoy ang obrang nabuo nila sa panahon ng lockdown.
"Malaking sugal ang pinasok ko.. it's the risk I have to take.Naniniwala ako sa istorya and I believe we have a very good film. Nagulat nga iyong lahat sa pagganap ni Paolo Gumabao who came up with an excellent performance as an OFW turned online sex worker ,"bulalas niya.
Dagdag pa niya, pinili raw niyang iprodyus ang kuwento tungkol sa lockdown dahil relevant ito at napapanahon.
Ideya rin niya ang gawing displaced OFW ang role ng bida para maraming maka-relate.
"It's because it's the sign of the times. Sumasalamin siya sa mga tunay na nangyayari sa lipunan dahil nga sa nararanasan natin sa Covid-19,"esplika niya.
Paliwanag pa niya, isang rason din kaya siya nagprodyus ay dahil gusto niyang makatulong at makapagbigay ng hanapbuhay sa displaced workers sa panahon ng pandemya.
"Actually, mas malaking consolation sa part mo kapag may mga taong natutuwa dahil mga 70 iyong nabigyan ng oportunidad at trabaho. More than anything, nakakagaan siya ng loob,"ani Jojo.
Hirit pa niya, nagdesisyon daw siya ipalabas ang pelikula via digital streaming dahil naniniwala siyang tamang panahon na para mapanood ito ng mga tao lalo pa't matatagalan pa ang pagbubukas ng mga sinehan.
Ang Lockdown ay kuwento ni Danny Asuncion (na binibigyang buhay ni Paolo Gumabao),isang displaced OFW na kapit sa patalim na pinasok ang pagiging cybersex performer para matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa panahon ng community quarantine.
“Ang taong gipit na gipit sa buhay, kahit na anong uri ng pagkakakitaan ay gagawin, makatulong lang sa mga mahal na magulang, kahit ang kabayaran ay ang kanyang dignidad bilang tao o kanyang buhay man,”mensahe naman ni Direk Joel Lamangan sa pelikula.
Bukod kay Paolo, tampok din sa pelikula sina Maxene Eigenmann, Alan Paule, Ruby Ruiz, Jess Evardone, Angellie Sanoy, Paul Jake Paule, at Jim Pebanco.
Kasama rin sa cast sina Jeff Carpio, Kristian Allene, Dincent Lucero, Mauro Salas, Neil Suarez, Alexis Yasuda, at Sean de Guzman.
Ang uncut version ng kontrobersyal at napapanahong pelikula ay online na mapapanood worldwide simula sa Hulyo 23 via ktx.ph, upstream.ph at RAD (iamrad.app)
No comments:
Post a Comment