Friday, 18 December 2020

Acclaimed director Mac Alejandre talks about his film "Tagpuan"

 

By Archie Liao

Pagkatapos manalo ng best ensemble acting ng kanyang pelikulang Kaputol sa 4th Innuendo International Filmfest sa Milan, Italy, aminado ang magaling at acclaimed director na si Mac Alejandre na ginanahan siya na gumawa muli ng pelikula mula sa iskrip ni Ricky Lee at  tampok ang paborito niyang actor na si Alfred Vargas.

"Alfred, Ricky, and I decided we wanted to do a love story as a next project for Altenative Vision Cinema. Nag-usap kami ni Ricky kung anong klaseng love story. Out ang romcom. out ang simple romance.  Sinabi ko kay Ricky maganda kung ang setting ay sa Binondo, HK, at Chinatown, New York. I wanted a bit of a  Chinese flavor. After a couple of discussions, we decided on an adult love story, wala na ang romance pero may love pa rin , na mas nagtatanong kung bakit may mga pag ibig na nagwawakas, bakit kahit may love, may emptiness. We wanted to talk about people who are broken," kuwento niya.

Tulad ng kuwento ng paglalakbay ng mga karakter sa Tagpuan, may kanyang journey din sa likod ng proyekto.

"Maraming brainstorming sessions ang nangyari. Ricky and I went to HK for 4 days and New York for over a week to explore possibilities of a story and revisit these places from the perspective of our objective. After several weeks, nabuo ang istorya at script . Nagustuhan ni Alfred at nagsimula na ang pre production. Napaka enriching ng creative process," aniya.

Nakatulong daw na nagtagpo ang kanilang vision ng multi-awarded screenwriter kaya nabuo ang konsepto ng pelikula.

"Halos 4 na dekada na kaming magka ibigan ni Ricky. Alam na namin ang takbo ng pag iisip ng bawa't isa. Ang iskrip ni Ricky ay higit pa sa inaasahan ko. Ang ganda ng mga karakter. Ang daming layers ng kwento. Ang sarap basahin, pag isipan at gawing pelikula,"paliwanag niya.

Napili daw nila na ang Hongkong at New York City bilang setting dahil akma raw ang mga lugar na ito sa milieu ng kuwento.

"HK at NYC like Manila are melting pots. Gusto namin ng mga lugar na dinudumog ng ibat ibang uri ng mga tao. Gusto namin ng maingay at magulo. Ang HK at NYC rin ay mga lugar kung saan maraming mga Pinoy ay nagtatrabaho. Mga OFWs at migrants. Malaking bahagi ang mga lugar sa kwento," esplika niya. "Dalawa sa mga paborito naming lugar ang HK at NYC. Iba ang energy. Very vibrant. Sometimes, the irony is that it's easier to find yourelf in the chaos of these melting pots as it is to lose yourself in the silence of solitude," dugtong niya.

Ang Tagpuan ay kuwento ng mga taong hungkag na naghahanap ng direksyon at kahulugan sa buhay, ng mga kaluluwang pagal, ng kanilang  hinagpis, pakikipaglaban, at pagsugal sa ngalan ng pag ibig.

Aniya, nakaka-relate siya sa kuwento dahil tulad ng iba niyang obra, personal ang tema nito sa kanya.

"Laging may bahagi ng pagkatao ko ang bawat pelikula ko, sa istorya man ito, sa mga karakter, o tone and mood. Ang Tagpuan ay tungkol sa love, sa finding your identity and purpose. May ilang bahagi ng pagkatao o paniniwala ko ang nasa ilang karakter. Pero hindi lang ako ito, bawat isa sa atin, mga taong umibig, mga taong lumigaya at nasaktan, mga taong nangangarap, matatagpuan nila ang sarili ni sa Tagpuan,," pagtatapos niya.

Tampok sina  Alfred Vargas, Iza Calzado at Shaina Magdayao, ang Tagpuan ay opisyal na kalahok sa 2020 Metro Manila Film Festival na mapapanood sa online format simula Disyembre 25, araw ng Pasko, via Upstream.



No comments:

Post a Comment