Friday, 28 March 2025

Revilla proud of PMPC Star Awards for TV's win


 By Archie Liao

Isang malaking pruweba na wagi sa puso ng Pinoy ang pagkapanalo ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” bilang Best Mini Series sa idinaos na 38th PMPC Star Awards for Television nitong Linggo, Marso 23, sa Dolphy Theater.

Tuwang-tuwa si action star-lawmaker Senator Ramon Bong Revilla, Jr., na gumaganap bilang si TOLOMEEEE! sa panibagong karangalang iginawad sa kanilang serye.

“Grabe! Sobrang nakakataba ng puso! Mula umpisa hanggang dulo, ibinuhos namin ang lahat para mabigyan kayo ng isang palabas na hindi lang puno ng aksyon at tawanan, kundi aral at lalim din.

"Nagpapasalamat kami sa PMPC sa pagkilalang ito, sa aming production team, at higit sa lahat, sa mga manonood na walang sawang sumuporta,” pahayag ng mambabatas.


Kahit tapos na ang Season 3 ng show, hindi pa rin kumukupas ang kasikatan nito. Pinag-usapan ito dahil sa kakaibang timpla ng aksyon, tawanan, at kurot sa puso.

Kasama ni Senador Bong sa tagumpay na ito sina Beauty Gonzalez, Niño Muhlach, Dennis Padilla, at iba pang mahuhusay na artista.

Usap-usapan ngayon kung magkakaroon ba ng Season 4 ang "Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis!"

Hindi pa ito kinukumpirma ni Senador Bong, pero marami na ang nag-aabang – babalik kaya si Tolome sa telebisyon?

No comments:

Post a Comment