Friday, 25 May 2018

Mga nominado sa Famas, kinilala sa Nominees’ victory party



 By Archie Liao

Naging matagumpay ang Nominees’ Victory Party na isinagawa ng 66th Famas awards para sa kanilang humigit-kumulang na isandaang mga nominado. Ginanap ang appreciation party sa Victorino’s restaurant sa Quezon City noong Martes, Mayo 22. Ang incumbent Famas president na si Francis C. Conrado ang nagbigay ng pagbati at nagkaloob ng mga katibayan ng nominasyon sa lahat ng mga nominado sa iba’t-ibang acting at technical categories. 

 May sorpresang regalo ring ipinamahagi sa mga mapalad na dumalo. Ang 2017 Cinemalaya Best Film na “Respeto” ni Treb Monteras ang may pinakamaraming nominasyon kasama na ang nominasyon para sa best actor at best supporting actor kina Abra at Dido dela Paz. Sinundan ito ng QCinema best picture na “Balangiga, Howling Wilderness” ni Khavn dela Cruz na may labing-isang nominasyon. 


Tig-aanim na nominasyon naman ang nakuha ng MMFF best picture na “Larawan” ni Loy Arcenas , ng Philippine entry sa Oscar awards na “Birdshot” ni Mikhail Red at ng documentary film na “Yield’ ni Victor Delotavo. Mayroon namang tiglilimang nominasyon ang “Love You to the Stars and Back” ni Antoinette Jadaone, “Changing Partners” ni Dan Villegas, “Nervous Translation” ni Shireen Seno at “Historiographika Errata” ni Richard Somes. Star-studded din ang naturang event na dinaluhan nina Julia Barretto, Joshua Garcia, Allen Dizon, Ricky Davao, Jojit Lorenzo,Noel Comia, Jr., Timothy Castillo, Bembol Roco, Angeli Bayani, Dexter Doria, Edgar Allan Guzman, Mon Confiado, Dido dela Paz, Jess Mendoza, Adrienne Vegara,Angeli Sanoy, Yayo Aguila, Thea Yrastorza,Mikhail Red,Thop Nazareno, Shireen Seño, John Torres, Treb Monteras, Arnel Barbarona, Lilit Reyes, Giancarlo Abrahan, James Mayo, Adrian Legaspi, Vince de Jesus,Dennis Evangelista, Senedy Que, Njel de Mesa, Mac Alejandre, Cinemaone Head Ronald Arguelles,Megavision producer Madonna Sanchez at marami pang iba. 



Itinatag noon pa mang 1952, ang Famas awards ang ipinagkakaloob ng Filipino Academy of Movie Arts and Sciences sa mahabang panahon ay itinuturing na pinakahalagang pagkilala sa industriya ng pelikulang Pilipino. Lahat ng pelikulang gawa ng mga Pinoy at ipinalabas noong nakaraang taon ay pinanonood at sinuri para sa Famas para sa taong ito. Isang malayang hurado na pinamumununan ng premyadong manunulat na si Ricky Lee ang pumili sa mga nominado at siya ring mamimili ng mga mananalo. 


Ang 66th Famas awards ay isang produksyon ng Megavision sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines at gaganapin sa Hunyo 10, 2018, Linggo sa The Theater at Solaire.




No comments:

Post a Comment