Friday, 11 May 2018

Adrian Cabido: A boy on the verge of manhood


By Archie Liao

Bida na ang award-winning actor na si Adrian Cabido sa pelikulang “Hitboy” ni Bor Ocampo na kalahok sa ikatlong edisyon ng Cine Filipino film festival. Nanalo si Adrian ng best child performer sa Famas noong 2014 para sa kanyang pagganap bilang Carding sa “Lauriana” ni Mel Chionglo. Sa nasabing pelikula, ginampanan niya ang papel ng isang batang ulila na naging saksi sa karahasang dinanas ni Lauriana (Bangs Garcia) sa piling ng kanyang mister na militar (Allen Dizon.) Ilan pa sa mga pelikulang ginawa niya ang “T’yanak” at ang “Flotsam” kung saan binigyang-buhay niya ang karakter ni Angelo na naging love interest ng kanyang kababatang si Marie (Barbara Miguel). 

Sa “Hitboy”, ginagampanan niya ang role ng Alex, ang pinakabatang ‘hitboy’ o gun-for-hire sa edad na kinse. Ayon pa kay Adrian, nag-enjoy siya sa paggawa ng pelikula dahil iba ang genre nito kumpara sa mga nagawa na niya. “Actually, na-excite po ako kasi first time ko pong magbida sa isang action movie kasi iyong mga last movies na nagawa ko po puro drama, puro thriller kaya kakaiba po siya sa akin,” sey niya. Aware rin si Adrian na maselan ang tema ng kanyang pelikula pati na ang role na ginagampanan niya. 

“Actually, role lang naman po siya. May mga matututunan naman pong aral sa kuwento tulad noong pagiging responsable sa isang bagay kung kailangan pong manindigan,” paliwanag niya. Hindi rin daw siya natatakot na mabatikos dahil sa papel niya bilang isang bayarang mamamatay-tao sa pelikula, lalo pa’t isa siyang role model ng kabataan. “Tulad po noong sinabi ko, role lang po iyon. Trabaho lang po siya at iba rin naman po ako sa personal,” hirit niya. Aminado rin si Adrian na naging limitado ang roles niya lately dahil nasa awkward age na nasa pagitan ng pagiging bata at pagbibinata. “Siguro po minsan,” pakli niya. 

“Pero ako naman po, bagay din naman po ako sa mga roles sa mundo po ng pangmatanda,” esplika niya. 16 years old na si Adrian at kasalukuyang nasa Grade 11. Wala pa raw siyang girlfriend dahil bata pa siya at nananatiling prayoridad niya ang pag-aaral. 


Mula sa Ikot Production sa pakikipagtulungan ng Cignal Entertainment, Cine Filipio, Alter The Native at Straight Shooters Media, Inc. at Sound Goat at sa direksyon ni Bor Ocampo (Dayang Asu), ang “Hitboy” ay nagtatampok din kina Mon Confiado, Soliman Cruz, Rea Molina, Juan Miguel Emmanuel Salvado, at Rosanna Roces, kasama sina Paolo O’Hara, James Lomahan, Arrian Labios, Nichol Martinez, Isaac Aguirre, at Tarek El Tayech. Palabas na ito sa mga piling SM cinemas mula Mayo 9 hangggang 15.




No comments:

Post a Comment