Friday, 1 November 2024

Xia Vigor shares scary experience during the shoot of "Nanay, Tatay"

 

By Archie Liao

Pagkatapos magpakitang-gilas sa 2019 MMFF topgrossing movie na “Miracle in Cell No. 7”, nagbabalik si Xia Vigor sa horror movie na “Nanay Tatay.”

Ayon kay Xia, bilang artista, isang malaking challenge para sa kanya ang manakot o magpakita ng takot  tulad ng umiyak o magpaiyak.

“I think, pareho naman po ang challenge nila. Kung sa drama po, kailangan mong umiyak o magpaiyak, sa horror naman po kailangang maging natural din po iyong takot o pananakot mo na ipakikita mo para sa audience,”lahad niya.

Dagdag pa niya, nakatulong daw na magaling ding mag-motivate ang kanyang director na si Roni Benaid sa kanyang latest starrer.

“Si Direk kasi, maganda iyong ang feedbacks ng previous horror movies niyang “Marita” at “Mary Cherry Chua." So noong nalaman kong kasama ako sa cast, sobra akong na-excite,” aniya. “Actually, it was a learning experience for me to be directed by Direk. Ang dami kong natutunan sa kanya. Ang galing kasi niyang mag-motivate. Right from the start, alam din po niya kung ano iyong gusto niya para sa isang eksena o ano iyong ini-expect niya sa kanyang actors, so we were properly guided,” dagdag niya.

Ibinahagi rin ng magaling na actress ang hindi niya makakalimutang karanasan habang kinukunan nila ang pelikula sa isang bahay sa Balete Drive sa Quezon City.

“Sa isang holding area namin ni Ate Heart and Ate Aubrey iyong door bumubukas tatlong beses. Ni-lock namin tapos bubukas pa din walang hangin or anything sa bahay so talagang nakakatakot,” pagbabalik-tanaw niya. “Si Ate Heart all three times siya andoon. Nakita ko lang once noong ni-lock na ni Aubrey— nagbukas pa din. Natakot kami so next day hindi na kami doon,” pahabol niya.

Naintindihan lang daw niya ang pagpaparamdam sa kanya ng multo sa nasabing bahay nang ipaliwanag sa kanila ng caretakers sa nabanggit na lugar.

“Sabi noong mga katiwala sa bahay or workers normal sa kanila na ganoon daw talaga minsan,” sey niya.

Sa “Nanay Tatay”, ginagampanan ni Xia ang papel ng isang ulilang pakawala ng isang sindikato na inampon ng  misteryosong mag-asawa sa kanilang tahanan.

Kasama rin sa cast ng pelikula sina Aubrey Caraan, Heart Ryan, Elia Ilano, Andrea del Rosario, Jeffrey Hidalgo at Billy Villeta.

Mula sa panulat ni Juan Carlos Magtalas at direksyon ni Roni Benaid, ang pelikula ay kalahok sa ikalimang edisyon ng Sine Sindak na mapapanood na sa lahat ng SM Cinemas sa buong bansa.

No comments:

Post a Comment