Todo-kabog ang beauty at fashion power ni Heart Evangelista sa Indonesia, kung saan dinumog ng shoppers at fans ang grand opening ng isang handbag at leather goods store na personal niyang dinaluhan kamakailan.
Big hit ang Filipino global fashion icon sa opening ng physical store ng Vone World sa Indonesia. Ang brand ay kilala sa konsepto ng “accessible luxury,” o luxury bags at leather goods na may mas abot-kayang price point. Isa lang ito sa napakaraming brands na kabilang sa endorsement portfolio ng actress, artist, at entrepreneur.
Hindi rin nagpahuli ang Indonesian fans at shoppers na halos hindi na tumigil sa pagpapakuha ng pictures kasama si Heart. Kitang-kita ang excitement nila sa kanyang pagdating, patunay na lumalaki rin ang kanyang fan base sa nasabing bansa.
At habang sunod-sunod ang kanyang projects at endorsements, hindi rin nawawala ang kanyang pagiging maalalahanin at handang tumulong sa kapwa.
Matatandaang kamakailan ay pinasalamatan si Heart ng pamilya ng namayapang comedian na si Ate Gay, o Gil Morales sa tunay na buhay.
Sa isang post sa Facebook page ni Ate Gay, ibinahagi ng pamilya ang mensaheng iniwan ni Heart para sa kanila noong lamay: “Ate Gay, you are finally home… God bless your home and family.”
Ayon sa pamilya ng yumao, hindi rin natatapos sa pakikiramay ang concern ni Heart. Patuloy raw niya silang kinukumusta at nagtanong pa kung paano siya makatutulong sa pamilya sa gitna ng kanilang pinagdaraanan.
Samantala, busy rin si Heart sa pagpapalawak ng kanyang creative ventures. Patuloy siyang gumagawa at naglalabas ng mga panibagong disenyo para sa kanyang jewelry business, na consistent ding sold out ang mga koleksyon.
Hindi na lang basta aktres, painter, at social media content creator, dahil unti-unti nang pinatatatag ni Heart ang kanyang pangalan bilang isang artist-entrepreneur at jewelry designer.
Sa iba't ibang fashion week sa Asia, United States, at Europe, proud niyang ipinapasuot at ipinagmamalaki ang sarili niyang jewelry creations, na hindi rin nakaligtas sa atensyon ng fashion crowd at umani ng papuri.
Hindi na rin bago ang pagkilala kay Heart bilang isa sa mga prominenteng celebrity influencers sa global fashion scene. Sa katunayan, patuloy siyang nakakalikha ng malaking Earned Media Value (EMV) at Media Impact Value (MIV) para sa ilan sa mga pinakakilalang luxury fashion brands sa buong mundo.
Ang EMV at MIV ay industry metrics na ginagamit upang masukat ang halaga at impact ng publicity na naibibigay ng isang celebrity sa mga brand, batay sa lawak ng exposure, audience engagement, at media coverage na nalilikha niya.
Patunay ng global influence ni Heart ang milyon-milyong media value na nakukuha niya. Sa Paris Fashion Week 2026, for example, umabot sa US$23.5 million ang kanyang MIV at US$11.2 million naman ang EMV, na nagpapakita ng lawak ng kanyang reach sa international fashion scene.





No comments:
Post a Comment